11/22/2004

Minsan May Isang Puta


AURAS, by Hermes Alegre Posted by Hello

Author : Mike Portes-Borromeo

Tingin ng mga bobong kapitbahay ko puta daw ako. Nagpapagamit, binabayaran. Sabi nila ako daw ang pinakamaganda at pinakasikat sa aming lugar noon. Ang bango-bango ko daw, sariwa at makinis. Di ko nga alam kung sumpa ito, dahil dito naletse ang kinabukasan ko. Tara makinig ka muna sa kwento ko, yosi muna tayo.

Alam mo, maraming lumapit sa akin, nagkagusto, naakit. Ang hirap pag lahat sa iyo virgin eh. Tinanggap ko naman silang tao, bakit kayanila ako ginago? Masakit alalahanin, iniisip ko na lang na kase di silataga rito, siguro talagang ganoon. Tatlong malilibog na foreigners ang namyesta sa katawan ko, na-rape daw ako.

Sa tatlong beses akong nagahasa, ang pinakahuli ang di ko makakalimutan. Parang maski di ko ginusto ang mga nangyari, hinahanap-hanap ko siya. Tinulungan nya kasi akong makalimutan yung mga sadistang Hapon at Coño. Kase, ibang-iba ang hagod niya. Umiikot ang mundo ko sa tuwing ginagamit niya ako. Ibang klase siya mag-sorry, lalo pa at kinupkop niya ako at ang mga naging anak ko.

Parating ang dami naming regalo - may chocolates, yosi, ano ka! May datung pa! Nakakabaliw siya, alam kong ginagamit nya lang ako pero pagamit naman ako nang pagamit. Sa kanya namin natutunan mag-inggles, di lang magsulat ha! Magbasa pa! Hanggang ngayon, sa tuwing mabigat ang problema ko, siya ang tinatakbuhan ko. 'Yun nga lang, lahat ng bagay may kapalit. Nung kinasama ko siya, guminhawa buhay namin. Sosyal na sosyal kami.

Ewan ko nga ba, akala ko napapamahal na ako sa kanya. Akala ko tuloy-tuloy na kaligayahan namin, yun pala unti-unti niya akong pinapatay. Putang Ina! Sa dami ng lason na sinaksak niya sa katawan ko, muntik na akong malaspag. Ang daming nagsabi na ang tanga tanga ko. Patalsikin ko na daw. Sa tulong ng mga anak ko, napalayas ko ang animal pero ang hirap magsimula. Masyado na kaming nasanay sa sarap ng buhay na naranasan namin sa kanya. Lubog na lubog pa kami sa utang, kulang ata pati kaluluwa namin para ibayad sa mga inutang namin.

Sinikap naming lahat maging maganda ang buhay namin. Ayun, mga nasa Japan, Hong Kong, Saudi ang mga anak ko. Yung iba nag-US, Europe. 'Yung iba ayaw umalis sa akin. Halos lahat, wala naman silbi, masaya daw sa piling ko, maski amoy usok ako.

Sa dami ng mga anak ko na nagsisikap na tulungan ang kalagayan namin, siya din ang dami ng mga anak ko na namamantala sa kabuhayan at kayaman na itinatabi ko para sa punyetang kinabukasan naming lahat. Dumating ang panahon na di na kami halos makaahon sa hirap ng buhay. Napakahirap dahil nasanay na kami sa ginhawa at sarap.

Ang di ko inaakala ay mismong mga anak ko, ang tuluyang sisira sa akin. Napakasakit tanggapin na malinlang. Akala ko ay makakakita ako ng magiging kasama sa buhay sa mga ahas na ipinakilala ng mga anak ko Hindi pala. Ang tanga ko talaga. Binugaw ako ng sarili kong mga anak kapalit ng kwarta at pansamantalang ginhawa na nais nilang matamasa.

Wala na akong nagawa dahil sa sobrang pagmamahal ko sa aking mga anak. Wala akong ibang yaman kundi ganda ko. Pinagamit ko na lang ng pinagamit ang sarili ko, basta maginhawa lang ang mga anak ko.

Usap-usapan ako ng mga kapitbahay ko. May nanghihinayang, namumuhi at naaawa. Puta na kase ang isang magandang tulad ko.

Alam mo, gusto ko na sanang tumigil sa pagpuputa kaso ang laki talaga ng letseng utang ko eh. Palaki pa ng palaki. Kulang na kulang. Paano na lang ang mga anak ko naiwan sa aking punyetang puder? Baka di na ako balikan o bisitahin ng mga nag-abroad kong mga anak. Hindi na importante kung laspagin man ang ganda ko, madama ko lang ang pagmamahal ng mga anak ko. Malaman nila na gagawin ko ang lahat para sa kanila.

Sa tuwing titingin ako sa salamin, alam ko maganda pa rin ako. Meron pa din ang bilib sa akin. Napapag usapan pa din. Sa tuwing nakikitako ang mukha ko sa salamin, nakikita ko ang mga anak ko. Tutulo na lang ang mga luha ko ng di ko namamalayan. Ang gagaling nga ng mga anak ko, namamayagpag kahit saan sila pumunta. Mahusay sa kahit anong gawin. Tama man o mali. Proud ako sa kanila. Kaso sila, kabaligtaran ang nararamdaman para sa akin.

Sa dami ng mga anak ko, iilan lang ang may malasakit sa akin. May malasakit man, nahihilaw. Ni di nga ako kinikilalang ina. Halos lahatsila galit sa isa't isa. Walang gusto magtulungan, naghihilahan pa. Angdami ko ng pasakit na tiniis pero walang sasakit pa nung sarili kong mga anak ang nagbugaw sa akin. Kinapital ang laspag na ganda ko. Masyado silang nasanay sa sarap ng buhay. Minsan sa pagtingin ko sa salamin, ni hindi ko na nga kilala sarili ko.

Dadating na naman ang pasko, sana maalala naman ako ng mga anak ko. Isang buwan pa, magbabagong taon na. Natatakot ako sa taong darating. Ngayon pa lang usap usapan na ang susunod na pagbubugaw ng ilan sa mga anak ko. Sana may magtanggol naman sa akin, ipaglaban naman nila ako. Gusto kong isigaw: "INA NINYO AKO! MAHALIN NYO NAMAN AKO!"

Sige, dumadrama na ako. Masisira na ang make up ko nito eh. Salamat ha, pinakinggan mo ako.

Ay sorry, di ko nasabi pangalan ko.

Pilipinas nga pala.

-----------------------

This article was published with permission from the author. Thank you so much Mike for letting me publish your artistic call to patriotism. Mabuhay ka!

To know more about the author, Mike Portes-Borromeo visit her site at www.passionoverdrive.8k.com

5 comments:

LEi said...

i like this piece. madrama. first read this sa peyups.com. kala ko tlaga kwnto ng isang puta ito. pero natouch ako dito tlaga..

korni man, pero ito rin isang reason bket di ko pa maiwan iwan ang aking inang pinas.

Anonymous said...

what a slap on a face! quite confronting. on a personal level, can i just say, i maybe one of those 'anak' who failed to look back. it's not because i wanted to, but our country is something i synonymously associate with fear. fear of what my fellowmen can do to me. our government has forever changed the fate of our country and its people with the lack of social integrity and corruption.

mell ditangco (this is my pseudonym) said...

anonymous,

yep, the essay is quite powerful. The Philippines did not reach its current state by itself. We need to recognize that we need to change as a people, thats the first step in solving the problems of the Philippines.

Filipinos as a group have failed our motherland collectively. We do not need heroes, we need decent law abiding leaders and constituents.

Thanks for your comment!

Anonymous said...

Author's note:
Maraming salamat sa lahat ng mga nag-fwd, naglathala at nag post sa kanilang mga blog site ng article ko na "Minsan may Isang Puta" ( originally published in http://www.peyups.com/article.khtml?sid=3468 ).

Sa mga hindi pa nakakabasa ay i-po-post ko ang 2007 "upgraded" version at sana ay tumanim sa puso nyo ang kwento. Dinagdag ko na din ang isang reaksyon at sagot ko sa email na ito na "kaaliwan" nyo.

For the non-Filipino speaking readers who posted the article in their blog site, Thank you very much and please accept my regrets for not being able to translate the article in the lingua franca, I'm sure your Filipino-speaking friends can very well interpret the story with much emotion. The article is really meant for my countrymen and I feel that there is no better way to address them than to speak in our mother tongue.

God bless!

++++++++++++++++++++++++++

Minsan may Isang Puta (2007)
-mike.portes@gmail.com

Tingin ng mga bobong kapitbahay ko, puta daw ako. Nagpapagamit, binabayaran. Sabi nila, ako daw ang pinakamaganda at pinakasikat sa aming lugar noon. Di ko nga alam kung sumpa ito, dahil dito naletse ang kinabukasan ko.

Tara, makinig ka muna sa kwento ko, yosi muna tayo.

Alam mo, maraming lumapit sa akin. Nagkagusto at naakit. Ang hirap pag lahat sa iyo, virgin eh. Tinanggap ko naman silang tao, bakit kaya nila ako ginago? Hindi ko maintindihan ang mga nangyari sa akin. Bukas palad ko naman silang pinakitunguhan, ni hindi ko nga itinuring na iba. Iniisip ko na nga lang na kasi di sila taga rito kaya siguro talagang ganoon.

Tatlong malilibog na foreigners ang nagpyesta sa katawan ko. Sabi nila na-rape daw ako.

Sa tatlong beses akong nagahasa, ang pinakahuli ang di ko makakalimutan. Parang maski di ko ginusto ang mga nangyari, hinahanap-hanap ko siya. Kasi, ibang-iba ang hagod niya. Umiikot ang mundo ko sa tuwing ginagamit niya ako. May mga pagkakaton na nasusuka na ko sa mga nangyayari sa aming dalawa. Parang ‘pag humahalinghing siya, nararamdaman ko na nalalason ako.. Gusto ko mang umayaw, hindi ko makuhang humindi. Hindi ko din alam kung bakit. Ibang klase din kasi siya mag-sorry eh, lalo pa at inalagaan niya ako at ang mga naging anak ko.

Alam mo, parating ang dami naming regalo - may chocolates, yosi at ano ka! May datung pa! Nakakabaliw siya! Alam kong ginagamit niya lang ako pero pagamit naman ako nang pagamit. Sa kanya namin natutunan mag-inggles, di lang magsulat ha! Magbasa pa!

Nung kinasama ko siya, guminhawa buhay namin. Sosyal na sosyal kami! Ewan ko nga ba, akala ko napapamahal na ako sa kanya. Akala ko tuloy-tuloy na kaligayahan namin, yun pala unti-unti niya akong pinapatay.

Punyetang buhay! Sa dami ng lason na sinaksak niya sa katawan ko, muntik na akong malaspag. Ang daming nagsabi na ang tanga tanga ko. Palayasin ko na daw. Taon ang binilang bago ako natauhang makining sa payo. Iniisip ko kasi na parang di ko kakayanin na mawala siya sa akin… Sa amin! .

Sa tulong ng ilan sa mga anak ko, napalayas ko ang demonyo pero ang hirap magsimula. Hindi nga ako sigurado kung nabunutan ako ng tinik o nadagdagan pa. Masyado na kasi kaming nasanay sa sarap ng buhay na naranasan namin sa kanya, kaya eto nabaon kami sa utang. Lubog na lubog kami sa pagkakautang, kulang yata pati kaluluwa namin para ibayad sa mga inutang namin.

Nakakahiya man aminin pero hanggang ngayon, sa tuwing mabigat ang problema ko, siya ang tinatakbuhan ko. 'Yun nga lang, kapit sa patalim sabi nga nila. Para akong isang aso na nangagat ng amo, na bumabahag ang buntot at umaamo kapag nangangailangan.

Usap-usapan ako ng mga kapitbahay ko. May nanghihinayang, namumuhi at naaawa. Puta na kasi ang isang magandang katulad ko. Ang dating hinahangaan at humahalina ay nabibili sa murang halaga. Alam mo maski ganun ang mga nangyari sa akin, nilakasan ko pa rin ang loob ko. Kailangan makita ng mga anak ko, na masasandalan nila ako maski ano pang mangyari.

Maski ano pa ang sabihin ng iba, sinisikap namin na maging maganda ang buhay namin. Nag-aambisyon kami at nangangarap. Ayun, may mga anak ako na nasa Japan, Hong Kong, Saudi. Yung iba nag-US, Canada, Europe. 'Yung iba ayaw umalis sa akin. Halos lahat, wala naman silbi. Masaya daw sa piling ko, maski amoy pusali ako.

Sa dami ng mga anak ko na nagsisikap na tulungan ang kalagayan namin, siya din ang dami ng mga anak ko na nanamantala sa kabuhayan at kayaman na itinatabi ko para sa punyetang kinabukasan naming lahat. Eto na nga ang panahon na halos di na kami makaahon sa hirap ng buhay. Napakahirap dahil nasanay na kami sa ginhawa at sarap.

Alam mo, gusto ko na sanang tumigil sa pagpuputa kaso ang laki talaga ng letseng utang ko eh. Palaki pa ng palaki! Paano na lang ang mga anak kong naiwan sa aking puder? At paano na lang ang mga anak kong nasa abroad? Baka di na nila ako balikan o bisitahin man lang? Hindi na importante kung laspagin man ang ganda ko, madama lang ng mga anak ko ang pagmamahal ko. Malaman nila na ibibigay ko ang lahat para sa kanila.

Sa tuwing titingin ako sa salamin, alam ko maganda pa rin ako. Meron pa din ang bilib sa akin. Napapag-usapan pa din. Sa tuwing nakikita ko ang mukha ko sa salamin, nakikita ko ang mga anak ko. Tutulo na lang ang mga luha ko ng di ko namamalayan. Ang gagaling nga ng mga anak ko eh, namamayagpag kahit saan sila pumunta. Mahusay sa kahit anong gawain. Tama man o mali.

Sa dami ng mga anak ko, iilan lang ang may malasakit sa akin. May malasakit man, nahihilaw pa.

Mabigat dalahin para sa akin, ang katotohanan na ni minsan ay di kami naging isang pamilya. Halos lahat ng mga anak ko, galit sa isa't isa. IIlan ang gusto magtulungan, naghihilahan pa. Madalas kong itinatanong sa sarili ko kung naging masama ba akong nanay para magturingan ng ganito ang mga anak ko?

Kanino bang similya ng demonyo nanggaling ang mga anak kong maituturing mong may mga pinag-aralan pero nakakadama ng saya at sarap sa paghihirap ng kapatid nila? Di ko lubos maisip kung saan impiyerno nanggaling ang kasikiman ng ilan sa mga anak kong ito. Sila pa naman ang inaasahan kong magbabangon sa amin. Nakakabaliw isipin na natitiis nila ang kalagayan ng kanilang mga kapatid na halos mamatay sa hirap ng buhay. Parang di sila magkakapatid sa tindi ng pagkaganid at walang pagmamalasakit.

Ang di ko akalain ay mismong mga anak ko, ang tuluyang sisira sa akin. Kinapital ang laspag na ganda ko. Masaya sila sa mga nabibili nila mula sa pinagputahan ko. Buong angas nilang pinagyayabang ang mga pansamantalang yaman at ang kanilang hilaw na pagkatao sa mga makakakita at makikinig. Talaga bang nakakalula ang materyal na kayamanan at mga titulong ikinakabit sa pangalan? Hindi ko maintindihan.

Minsan sa pagtingin ko sa salamin, ni hindi ko na nga kilala sarili ko.

Dadating na naman ang pasko, sana maalala naman ako ng mga anak ko. Ilang linggo pa, magbabagong taon na. Natatakot ako sa taong darating. Ngayon pa lang usap-usapan na ang susunod na pangbubugaw sa akin. Gagamitin pa nila ang kahinaan ng mga kapatid nilang alipin sa kalam ng tiyan. Sa tagal ng panahong ganito ang sitwasyon namin parang eto lang ang sulok na gagalawan ko. Sana may magtanggol naman sa akin. Ipaglaban naman nila ako. Gusto kong isigaw: "Ina ninyo ako! Pagmamahal nyo lang ang kailangan ko!”

Sensya na, ang haba na ng drama ko. Masisira na ang make up ko nito eh. Salamat ha, pinakinggan mo ako. Malaking bagay sa akin na nakausap kita. Ang tagal nating nag-usap, di man lang ako nagpapakilala.

Ay sorry, di ko nasabi pangalan ko.

Pilipinas nga pala.



********reply from buzzman********

sino bang kuya't ate ang sisihin ko? mumurahin ko na bang sarili ko kung nagkakaganito tayo? nay, konting preno, delikado ang drama mo. sa anong takilya kaya kikita ang senti-kulangot na birada mo? di bale, minsan ang FAMAS ay nagkakahalaga ng piso. di ba naibibigay na lang ito sa beso-beso? asan na ba si ate Ruffa ko?

mahal? sino o anong ama ang nagsilang sa amin? di ko alam ang apelyido ko. namulat akong watak ang kanlungan ko. ang away-kapatid ay may bugso ng paglaya, kundi man ito proseso ng paghubog at pagmulat. anong tahanan ang sadyang pinalad mabuo sa langit? sa totoo lang, di ko alam kung ginusto o nagustuhan mo rin ang kainitan ng sidhi. samut sari ang ipinunla ng pagtatalik na dinaan sa dahas. may kwentong namuo, yun ang yamang nagbibigay kulay sa nakaraan ko. tila mali, utak namin ang ginagahasa mo.

punyetang mood to, nakakalito. sa pitong taon ko sa asylum na to, pwede ng maging kumbento! hindi drama ang gamot sa panibugho, at lalong hindi ang karnibal sa Mayo. pati ang Panday ay may agimat ng pagka-Pangulo. Jusko, iisipin ko pa ba ang puti't sakang na gumahasa sa iyo, gayong kuwarenta milyones na katutubong hintuturo ang nakabaon sa pagitan ng hita mo? nay, ilahad mo ng wasto ang tunay na nakaraan mo't babalik ang mga kaanak mo. punyetang ina ka, nay, puro drama na lang ba ng kahayukan ang hirit mo. pati tuloy si Diana Booba ay sumisikat sa Hongkong, Thailand, at Timbuktu. kababae mong tao, pagkababae mo mismo ang pinalalabas mong kahinaan mo. ano ka ba, nay, gasgas na yang script mo. halaw na naman ba sa pitak ni Ricky ang punchline mo para magbiro? sikat na po ang eminem show.

mismong anak mo ang sisira sa iyong lelang mo. nung ipinadpad ka sa pusod ng Pasipiko para bira-birahin ng walang sinasantong bagyo, tinatanggap mong tadhana ito. kung karupukan ng tao ang itinatangis mong kalagayan mo, ba't tayo tinawag na indiyo? nay, sa isang sindi ng yosi, pwede pong magliyab ang mundo. ang punto ko, magbasa ka ng libro. masyado ka ng nawiwili sa kakafinger ng numinipis mong ego. kung gusto mo, puno ng porno ang www. ito ba'y pansin mo?

ina ka namin sa ngalan, anak mo ba kami sa laman? karugtong ng Luzon ang Ryuku. tsino po si Lucio. ang Cojuangco, bat may J at C na nakaipit sa OO? ah JC, hesukristong sugo, di ko mabilang ang Iglesiang sinaniban ng multo-deliryo. kailan lang ba tayo nagpalit ng alpabeto? ang dating daan po ay sinasambang emporyo. anong tumbok ko? nawawala kami sa sariling mga anak mo? at bakit? dahil sa kakadrama mo ng ganito. ang lupang sinilangan ko po, ay jigsaw puzzle na paborito ko. dine-deadma niyo, alaskado tuloy tayo ng mga siyentipiko.

wag niyo pong tanawin na ang nakaraan niyo e kwento ng ginutay-gutay na baro. di kayo nagkauri na winantutri ng kalaguyo, o ibinenta ng sariling supling niyo. tulad po ng bagyo, natural po ang takbo ng kapalaran niyo. parang isang sumpa, na kung di niyo hampasin ng maso, olats kayo. oo, kulelats kayo sa karera ng kabayo kung panay lang ang sundot niyo ng puso. ang pagmamahal po e di ipinupunla sa puso, kundi'y sa utak pinalalago. bat ho ba nadedo ang anak ni miriam santiago, at tila clubhouse ang College of Law? isulat mo po sa noo ni Oble na bago na ang banyo niyo. ni hindi ako makapagshabu sa mga tambayang tatak Greko. daig mo pa ang gecko kung kumapit sa kano, pero panay ang reklamo mo. sila ba'y kapuso o kapamilya ko? punyetang drama to, nay, naman, namannn. hah, makakain na nga lang taho.

taho, tahoooo kayooo jannn!


******* reply from mike_IS_a_she *******

Anak kong buzzman...sali mo na ako dyan sa taho mo.

tara, upo muna tayo. kung magulo utak ko noon eh mas magulo ang utak ko ngayon. lintek kaseng pyesta ito, yung ibang mga kapatid mo, binugaw na naman ako. akala yata sa akin eh laman ng pinyata na pinapapaagaw sa party. haay, buhay...siguro daanin na nga lang muna natin sa taho.

'lam mo buzzman, di ko matatanggap na "utak mo ay ginagahasa ko", marahil dahil sa ating mga nakaraan kaya di mo maramdaman at makuha ang ibig sabihin ng pagmamahal. napakalaki yata ng aking pagkukulang kaya may mga anak ako na gaya mo na kasing kapal ng kalyo ang puso.

maniwala ka't sa hindi, mahal kita. oo, tama ka, walang humiling na isilang ka at di ko alam kung kaninong malibog na ama ka nanggaling, kung anak man kita sa laman o anak kita dahil ninais kitang kupkupin. isa lang ang katotohanan, pinasuso kita. naging pagkain mo ang katas ng aking dibidib. inaruga kita hanggang nagkaroon ka ng lakas at pag-iisip. marahil tama ka na ang aking pinagdaanan ay "ang kulay na magbibigay yaman sa ating nakaraan". dapat sana! kaya lang di ko maituturing na yaman ang isang pinagdaanan na halata naman walang natutunan.

ilan sa iyong mga kapatid ang makapagsasabi na may nalalasahan silang talim sa kanilang mga dila tuwing makakatikim sila ng tempura, french fries at ostiya? totoo bang mas masarap ito sa kanilang panlasa kaysa sa cebuanong mangga?

may kurot ba silang nararamdaman sa kanilang mga puso kapag nababasa nila sa dyaryo ang tungkol sa mga kapatid nilang naabuso ng amo sa Singapore at Middle East? mga bunsong babae na ang tanging ambisyon eh mag-japayuki? mga sundalong mala-pyesa ng chess na hinahain sa jolo? mga kuya at ate mong edukado, bulag at bingi naman sa baho ng mga taga-riles at ingay ng mga sanggol na ibinabasura?

at kung meron man kayong nararamdaman, ANO ang ginagawa o gagawin nyo?
sapat ba na ibalik ninyo sa akin ang sisi? basta "AKO" at "KAMI" ay okey bahala na "SILA" sa buhay nila. pasalamat nga kayo na dinadaan ko na lang sa ek-ek ang sama ng loob ko, kung di lang siguro ako ina, nagtampo at ginutom ko na lahat kayo ng malaman nyo kung sino sinasalaula nyo. ngunit ako'y ina.

ako'y isang ina, anak kong buzzman. ina na walang ibang maibibigay sa inyo kundi ang aking ganda. ang ganda na sanay nakapagbigay sa inyo ng dangal at yaman maski madumi ang nakaraan. inang pilit na umaahon sa bawat bagyong dumadaan. ang di ko maintindihan, sa dami ng mga anak ko na sa tingin ko ay kasinggagaling at kasingtatalino mo ay di na tayo nakaangat sa paghihirap. parang supot ng basurang itinapon sa ilog pasig na lulutang lutang, di alam ang patutunguhan.
sabagay, sabi nga nila, ang basurang tinapon mo ay basurang babalik sa iyo. kaya siguro ganito pa rin tayo.

teka buzzman anak, ano ba itong pinagsasabi mong indiyo? di ba't itong mga inampon kong mga instik eh mas masahol pa sa inyo nung nandito yung coño? eh sila pa ngayon ang may kakayanan na pangitiin ako. di ba basurero lang dati si manong sy? aba'y nagugulat ako sa mga raket nya. di lang sya ang umaansenso kundi pati na rin mga kapatid mong nawili sa piling ko. malay mo bang si ate kikay mo sa bulacan ay magkatrabaho maski contractual lang! at ang mga indiyo kong anak sa pagkasilang, marami na sa kanila ang nakatulong sa mga kapatid mong naiwan. ang mga berdeng pera na naipapasok nila ang tangi kong kinakapitan.
ang nakakailing dyan ay kung sino pa ang nakakaraming wala sa tabi ko at mga tsinoy na anak-anakan ko ay sila pa ang kolektibo.

naku anak, kung alam mo lang, ayaw ko na maging puta at pinuputa, wala si tito sam mo sa puso ko at lalo namang di mo siya kapamilya at kapuso. pero itong ibang mga manoy at manay mo, ewna ko ba, na-adik na sa hershey's at expedition pati nanay nila walang muhing binubugaw . ay! may mas malala pa dyan, dinuduraan pa ang pangalan ko gayong gumagamit naman ng tabo sa banyo at ang ilong at kulay maski si ate belo mo ang rumetoke ay di mapagkakailang galing sa pusod ko!

anak kong buzzman, wag mo sanang masamain. tatlong round ng beer lang yan bosing. ang nanay mong ito ay di dumadrama para magka-trophy. ang pakiramdaman ko ba ay parang sobra na ang nainom o masama ang tiyan ay gustong may lumabas. kaya wag mo ng tawagin si ate lolit mo at baka ang papa ni ate gretchen mo ay di makaya ang ilalabas ko.

siguro nga ako ay naninibugho, sabihin mo ng masama ang loob kase dati sina aleng saigon at aleng hiroshima, mas malala pa ang inaabot, biruin mo, di lang ginahasa kundi binugbog pa! mas maraming mga anak nila ang naghirap at namatay. akala ko nga di na sila makaka-recover pero ano ka! sobrang sikat na sila ngayon! sa napaka-ikling panahon sila'y nakaahon. ang kanilang mga anak ay taas noo sa pagkilala sa kanilang ina sa buong mundo. nakakahinayang ang kasaganahan nating natikman, ni hindi nga tayo makasabay.

palaisipan sa akin ito, sa iyo din, di ba? nais ko lang naman na muling kilalanin ang sarili ko. sa tulong nyo alam kong magagawa ko ito.
walang santong kabayo ang makakagawa ng mirakulo kung mismong mga anak ko, di mag-uugaling tao...

"ang away-kapatid ay may bugso ng paglaya, kundi man ito proseso ng paghubog at pagmulat" na sinasabi mo ay dapat may aral na kinapupulutan at di lang laman ng pahayagan.

ang "kuwarenta milyones na katutubong hintuturo ang nakabaon sa pagitan ng hita" ko ang magtatakda ng ating kapalaran at tingin ng ating karatig bayan.

kulang ang "magbasa ka ng libro" kung ang utak at puso ay pulo-pulo sa layo. hindi sapat ang kaalaman kung ang tingin natin sa www. porno ay bagay na dapat kaaliwaan lalo pa't ang starring dito ay iyong kababayan.

wala kang ate o kuyang dapat sisihin at wag mong murahin ang sarili mo. walang delikado sa pagiging totoo sa sarili, di ba? ang pinaka-importante ay may natutunan tayo sa ating pinanggalingan, dilat tayong titingin sa ating dinadaanan at kapit-kamay tayong susulong sa kinabukasan.

salamat sa taho anak kong buzzman, masarap sya at lalo pang sumarap dahil maski alam kong may duda ka sa mga sinabi ko ay nakinig ka. dadating ang panahon na maiintindihan mo ang pagmamahal ng isang magulang lalo pa ng isang ina, dahil kahit saan ka mapunta o kahit ano pa ang inyong marating ay magkabahagi ang dibdib natin. ;)



******to read more comments go to http://www.peyups.com/article.khtml?sid=3468)*******



blog comments Posted by: Joseph Dominic | April 25, 2006 07:16 AM from life_is_a_rose blog site:

"after she gave her name, everything went still.
then I laughed so hard; inwardly.

she's right of course.
I read her laments once again wanting to make her message sink in deeper.

i thought it was just a typical story of another one of the numerous "prostitutes" in our country.

Only to discover it was our own Philippines talking to us.

Sana mabasa to ng lahat ng Pilipino. Lalo ng yung mga "bida" nyang anak. Yung mga "bumubugaw" sa kanya. Sina Mike Defensor, Raul Gonzales, Eduardo Ermita, at syempre pa. mawawala ba primera uno sa kanila? si Gloria Arroyo."

****** http://lifeisarose.blogs.friendster.com/life_is_a_rose/2006/04/minsan_may_isan.html#comments *****

Anonymous said...

hi mell!
long time no hear! been really loaded since i got back in the philippines. i pray that your family is in God's blessings. I wanted to send you an artwork i did. maybe i'll just pots it over at our yahoogroup...

God bless!
Mike